Hindi nabigyan ng pagkakataon si Rizal
natapusin ang kanyang ikatlong nobela. Masyadong ispesipiko ang bawat detalye na
tahasang tumutuligsa sa kultura, kagawian at pamumuhay ng mga mamamayan sa kaTagalugan.
Malay ang bawat isa sa atin na ang kanyang dalawang nobela (El Filibusterismo
at Noli Me Tangere) ay gumawa ng pangalan sa industriya ng panitikan at
nag-iwan ng tatak sa ating kasaysayan kung ihahambing sa Etikang Tagalog (Bawat
sibilisasyon ay may depinisyon ng etika, kaninong etika nga ba? Para sa mga
kolonisador etika nila ang tama. Lahat ng hindi puti ay subject for moralization at ethics
convertion. Ang etika ay para lamang ba sa mga puti? May etika naman ang
mga katutubo, hindi nga lang kinikilala.) na hindi pa gaanong ginagamit at
tinatalakay sa mundo ng akademya.
Kumpara sa dalawang nobela ni Rizal,
hamak na mas tumutuon ito sa kaugalian at kagawian ng mga Tagalog sa ilalim ng pamamalakad
ng Espanya. Pinakita ni Rizal kung papaano hinuhubog ng Relihiyon ang kamalayan
ng mga tagalog at kung papaano ito nag-aambag sa kalinangan (medyo
nag-aalinlangan pa ako sa pag gamit ng salitang kalinangan, may pagtingin pa ako na ang kalinangan ay sang-ayon sa
mga kolonisador. Ngunit ginamit ko na rin sapagkat ito pa lamang ang nakikitang
maayos na salitang pwedeng gamitin) ng bawat isa. Nagkakaroon ng moralisa ang pamayanan
sa kung ano ang tama sa mali at ang mali sa tama na bitbit ng doktrina ng
simbahan, umaayon sa pamantayan ng simbahan at sa sinusunod na kautusan ayon sa
nobilidad ng kura bilang biyaya daw ng langit sa kalupaan.
Malay si Rizal sa pananaw-mundo at
sensibilidad na gisingin at alisin ang pakiwaring pagkawala-sa-sarili ng mga Tagalog
bunga ng masasamang panaginip na bitbit ng kolonyalismo. Alam niyang malaki ang
pangangailangan sa usapin ng nasyonalismo na hindi dapat atrasado.
Ang Etikang Tagalog ay isang
pagtatangkang kausapin ang malawak na hanay ng mamayan sa wika na kung saan
taal ang kanilang dila. Si Rizal
ay nahirapan itong isakatuparan kahit nagsubok siyang gawin, mukhang nagkulang
sa pagtatangka. Sa tingin ko ay hindi siya nagtagumpay sa kanyang mithiin na
intindihin ng mga Tagalog (noong kanilang panahon) dahil hindi naman ito
naisulat sa wikang tagalog, na dapat sana ay naging maalam sila dito dahil ito
ay nakalaan para sa kanila. Isa itong kwento na dapat sana ay mas madaling magagap
ng pangkaraniwang Pilipino (mga Pilipinong hindi nakaka intindi ng wikang Espanyol)
kumpara sa mga ilustrado at naghaharing-uri na nagpapalaganap ng yabang ng
kolonisador at ng kaalamang kanluranin noong panahon ng hayagang kolonyalismo.
Kay Rizal narin nanggaling na malaki ang
pangangailangan sa matibay na paggamit ng katutubong wika. Inamin naman ni
Rizal na nahirapan siya sa pagsulat gamit ang wikang Tagalog kaya mas pinili niyang
gamitin ang wikang Espanyol (kung matatandaan, gumamit si Rizal ng wikang
Espanyol sa Noli at El Fili dahil ang kaniyang kinakausap ay ang mismong
kapangyarihan, ang mismong may hawak ng estado. Kailangan niyang makisabay sa
wikang ginagamit ng mga kolonisador upang mas madaling ipahayag ang kaniyang
layunin), “malalim na napakaloob at sangkot sa wikang mananakop” (Ocampo, E.T. 2012).
Sa una at ikalawang kabanata pa lamang
ay maayos na naisalarawan ang pamumuhay sa partikular na mitikal na bayan ng Pili.
Inumpisahan ito sa pagpapakita kung gaano kahalaga at ka-impluwensya ang relihiyon
sa kamalayan ng mga Tagalog. Nailarawan ng maayos kung papaano konektado ang
Kura sa mga mamayan, “Naiiiskandalo ang buong simbahan, sapagkat tumangging magbigay
ng komunyon kaninuman ang kurang si Padre Agaton, sa panahong itong kasagsagan ng
kuwaresma, simula ng Mahal na Araw. Hindi mapakali ang mga deboto, namumugto sa
pagkayamot ang ilan – datapwat hindi makuhang magalit - karamihan nagbubulung-bulunganng kung ano-anong hinuha at
sapantaha.” (Ocampo, E.T. 2012, pg.35). Masasabing apektado ang lahat matapos hindi
magbigay ng komunyon ang kura, sa kabilang banda ang kaugalian ng pagbubulung-bulungan
(Makapangyarihan ang bulungan sa teksto, hindi natin alam kung ano ang kanilang
eksaktong mga sinasabi. Maaaring bulungan ng pagsang-ayon, pakikisimpatiya
etc., mga tinig na hindi mailabas) ay nabigyan ng diin. Makikita ang gawaing nag
sisimba ang mga tagalog, humaharap sa altar ng sambahan samantalang mag babatuhan
ng huntahan sa harap mismo ng sinasabi nilang Diyos.
Naipakita na hindi marginalisado ang relihiyon,
at kahit kailan man ay hindi ito magiging marginalisado. Ito ang dominant power of force (sa panahon ng
kolonyalismo ng Espanya) at ang Doktrina ng Katolisismo ang dominant power of religious practice.
Mababasa naman sa unang bahagi ng teksto na kahit gaano kainit sa loob ng
simbahan at gaano nagsiksikan ang bawat sumasamba ay patuloy pa rin nila itong
ginawa dahil sinasabi ng relihiyon na wala itong pinipiling uri, lahat ng
gustong mabiyayaan ng poong maykapal at lahat ng gustong mahawakan sa kamay ang
Kura ay kailangan dumalo sa Misa. Relihiyon ang naging susi upang pagbuklurin
ng kolonyalismo ang bayan ng Pili.
Sa katayuan ni Padre Agaton, nabigyan ng
paglilinaw na iisa ang Relihiyon at ang Estado o mas tamang sabihin na mas makapangyarihan
ang Relihiyon kaysa sa Estado. Nabanggit na “Higit pa sa kairalan ng Diyos, ng araw,
ng agham o maski nang kapalaran – walang mas importante pa sa persona ni Padre
Agaton, ang bantog na kura, kinakatakutan ng buong probinsya mula sa kulang palad
na magsasaka hanggang sa gobernador na mapagmata.”(Ocampo 2012, pg.49). Sinasabing
ang Kura ay biyaya daw ng Diyos mula sa langit upang iligtas ang mitikal na bayan
ng Pili sa kahit anong trahedya at kamalasan. Ganito na lamang ang pag-uugali ng
mga Pilipino, ganito na lamang ang kanilang pagsamba sa mismong abilidad ng
Kura bilang malinis at maayos, matikas sa kanyang kilos, pino at maringal sa hanay
ng mga awtoridad, mapanaig at matayog sa harap ng iba, at napapanatili ang kaniyang
prestihiyoso na naayon sa kanyang uri, ipinapakita lamang niya ang mataas na dapat
na pagtingin sa mga katulad niyang alagad daw ng langit.. Hindi na nila kinikilala
ang natural nabatas at siyentipikong pagtingin, dahil narin siguro na binulag ang mga Tagalog gamit
ang relihiyon.
Si Padre Agaton daw ang buhay na manipestasyon
nakatangi-tangi daw ang kabutihan ng langit. Ang lahat ng susunod sa kaniyang
kautusan ay maaring mailigtas mula sa kumunoy ng impiyerno at mabubuhay daw ng
walang hanggan kasama ang Diyos sa langit.
May pagtingin ang mga katagalugan na mababa
ang uri ng mga piyesta na hindi napupuntahan ni Padre Agaton, at kung makapunta
man kailangan ay engrande ang piging. Masasabing dinadaan nila sa luho ang pagdaraos
ng piging basta naroon ang Kura. Sa inisyal na pagtingin ay makikitang kahit maubos
o mawalan nang pinansya ang nagpapahanda gagawin nila basta hindi madismaya ang
Kura. Lahat ng kilos ni Padre Agaton ay tinuturing nilang sagrado. “maski ang tadyak
na natanggap ng sakristang mayor ay naturing na handog ng nobilidad…” (Ocampo,
E.T. 2012, pg.53).
Makikita
naman sa karakter ni Kapitana Barang ang isang relihiyosang asawa na patuloy sa
pagsunod sa doktrina ng Katolisismo. Ngunit malaking kabalintunaan naman dahil
kung sino pa ang siyang mayaman sa aral ng moralisa (ng bibliya) ay siya pang
puro pangmamata ang laman ng bunganga. Malaki ang impluwensya ng relihiyon sa
kanya, may paniniwala ito na matatanggal daw ang pagka-demonyo sa anak ni Anday
oras na ito mabendisyunan (pero hindi nangyari matapos itong humagulgol ng iyak
sa loob ng simbahan). “Naniniwala ang butihing senyora na isang akto ng
kabanalan ang parangalan ang makasalanang iyon at sagipin ang ina at anak nito
mula sa impyerno” (Ocampo, E.T. 2012, pg.75).
Matibay
ang pakiwari na mas makapangyarihan ang simbahan kaysa sa estadao. Si Kapitan
Panchong ay sanggang-dikit kay Padre Agaton. Mas abala pa ang kapitan sa
kaniyang regalo sa Kura kahit nagkakaroon na nang malaking pangangailangan ng
bagong tulay sa kaniyang nasasakupan. Ang mahalaga sa kaniya ay matuloy ang
kaniyang reeleksyon. Kailangan niyang dumikit at magpalakas sa Kura para mabiyayaan
ng basbas mula sa langit upang muling manalo sa eleksyon.
Maraming
kaugalian at kagawian ang nai-impluwensyahan ni Padre Agaton sa mitikal na
bayan ng Pili bilang alagad at tagapagligtas ng Diyos sa kalupaan ng kanilang bayan.
Ang mga paniniwalang bitbit ng mga kolonisador ang matibay na argumento kung
bakit nasabing si Padre Agaton ang
pangunahing paksa na naka impluwensya sa kaugalian at gawi ng mga Tagalog sa
teksto. Si Padre Agaton bilang icon
ng langit sa lupa ang idolo ng bawat mamamayan ng Pili para magkaroon ng
sinasabing Etika ng mga Tagalog sa standard
ng mga kolonisador. Etika ang pangunahing paksa, ang mga nakagawian at
pag-uugali ng mga Pilipino ang naging primaryang pansinin sa libro.
Upang
malasap ang orihinal na akda, tagumpay itong naisalin ni Ocampo sa wikang
Filipino. Ito ang siyang
makakapagpadama sa kulay, tunog at laman ng bawat usapin sa Etikang Tagalog.
Isa rin itong malaking hakbang sa paggamit ng Wikang Pambansa bilang batayan at
pangunahing wika na maaring magamit sa mga pananaliksik sa panitikan. Maganda
ring tingnan na si Ocampo bilang manunuri ng panitikan at historyador ay
nakagawa ng isang kritikal na pagbasa sa ikatlong nobela ni Rizal.
Sa
ilang mambabasa na hindi o wala sa industriya ng panitikan, malaking tulong ang
pagkilala sa antas ng tradisyong panitikan na mailulugar ang panunuri sa
karanasan ng panitikang kinabibilangan. Kung dadalin natin sa postmodernistang
panahon o ibebenta ang ganitong porma ng panitikan sa mga kabataan, mas
pipiliin nila ang Twilight at Harry Potter kaysa sa Etikang Tagalog.
Ito
ay isang malaking hakbang at hamon sa mga susunod pang mananaliksik kung
papaano nila ilalapit ang panitikang lubos na pinag-iwanan ng panahon sa mga
mambabasang pinpili ang produkto ng kanluran.
Maikli
pero malaman, bitin ngunit maalam. Tama si Ocampo, nakilahok na si Rizal sa
pulitikal na posisyon at pagtunggali sa estruktura ng kapangyarihang umiiral.