Saturday, February 2, 2013

Walang malinaw na dahilan kung bakit tayo, kung merong naging tayo


Hindi naman ako nakikipaglaro. Alam kong talo 'ko. Tanggap kong lampa ako. Pero sana una pa lamang ay sinabi mo namang magpa - patintero tayo para kahit papaano ay naging handa ako.

Hindi ko din naman alam na ang bawat isa ay parehong walang kahandan sa mga bagay na hindi naman talaga natin dapat ginawa, sa mga bagay na hindi natin pinasok; oo, pumasok tayo sa panibagong mundo. Walang malinaw na dahilan kung bakit tayo, kung merong naging tayo.

Iniisip ko nga dati kung minahal mo ba talaga ang aktibismo sa kung ano ito o minahal mo ang aktibismo sa kung sino ako. Alam nating darating ang panahon na ang bawat bagay ay kailangang maghiwalay. Hindi ko alam kung tama ba ang mga bagay. Kung tama ba ang naging ikaw at ako? Kung tama na sa panahong ito ay pilit ko itong tinatapos ang bukas na liham na ito kahit alam kong masasaktan ka at ako. Pero ito ang alam kong tama, ang ipa-alam sa'yo; na hanggang dito na lamang. Na hindi ko na kaya. Marahil sa mga oras na ito nasasagot ko na ang katanungang nasaan nga ba hangganan ng salitang hangganan.

Siguro nga'y naging libangan natin ang masaktan. 

At marahil ay pinagdikit na tayo ng salitang 'patawad'. Wala namang masamang magkamali, masama yung hindi ka nagbago at na nanatiling nagkakamali. Hindi ko alam kung pinalitan ko na ang mga tala sa langit na patuloy ang pagbabantay, nagsasawa sa kakatitig at kakapakinig sa mga bagay na hindi ko naman kayang sagutin, sa mga dahilang hindi sapat ang pagtanggap sa pag-intindi. 

Pilit mong hinahawakan ang kalderong maiinit kahit alam mong mapapaso ka, masusugatan. Pero hinahawakan mo parin. Marahil kung nakakapagsalita lamang ang kalderyo ay matagal na nitong sinabi sa'yo na tama na ang pagpapakulo mo sa akin, baka masobrahan at lumambot ang tubig. Ngunit sa huli, alam mong masakit. 'Wag kang magalit at huwag mong sisihin ang kaldero kung bakit ka napaso. Nasugatan ka pero alam mo sa sarili mo na darating ang panahon na ang sugat na 'yan ay maghihilom din.

Matuto kang gamutin ang sarili.

Alam mong gagaling din 'yan. Mapaso ka ngayon malay mo bukas ay hindi na. Natuto kana sa mga bagay na naging bahagi ng pagkakamali.

'Wag na nating lamanan pa ang baso, 'wag ng paapawin pa. Tapos ka ng uminom, may mas nauuhaw pa kaysa sa'yo. Hayaan na nating painumin ang iba. 

Siguro'y hinog na muli ako sa ubod. Handa ng magpakain sa iba.

Alam mo kung sino ka.

No comments:

Post a Comment