Wednesday, September 5, 2012

May sapi ka. May sapi tayo

ni Jian Carlo R. Gomez


Ang pagka Filipino ay isang karanasan- Propesor Prospero Covar

Lagi’t lagi na lamang tayong binubulag sa sistema ng edukasyong tumatakip sa bawat unibersidad sa ating bansa na kada sasapit ang buwan ng Agosto ay dapat nating ipag diwang ang buwan ng wika. Sa pamumuhay ng mga Pilipinong nasa syudad, kolonyal na isipan ang nakabalot sa bawat manggang pinilit hinugin sa karburo. Pilit inaakma ang bawat kulturang hindi kusang umusbong sa sariling lupa ng bayan. Kapag naka pag-Ingles ka, matalino ka-Edukado. Pag gumamit ng wikang Filipino-Bobo, Tanga. Ito ang kulturang binubuo ng kulturang nakaka-angat sa lipunang mapaglaro. Silang mga dominante ang istandard kung papaano tayo kikilos bilang isang Pilipino. Silang nasa tuktok ng tatsulok ang nagdidikta na kultura at wika na dapat nating linangin at pangibabawin. Kaalinsabay nito kung papaano sinisira ng kulturang kanluranin ang pundasyon ng ating sariling kasarinlan. Kahit mismo tayo ay nagiging bakod kung papaano nito hinahati ang bawat wika dito sa Pilipinas.

Nililikha ito ng edukasyong kolonyal matapos tayo paasahin ng kanluraning edukasyon na ito ang magpapalaya sa ating kamalayan at kinabukasan ngunit isang malaking kabalintunaan ang nangyayari dahil hanggang ngayon ay alipin parin tayo sa ekonomiya, pulitika at kultura. Ang ating mapaglarong lipunan ay mistulang anak ng kanluran ngunit hayag naman sa atin na tayo ay tubong silangan.

Kung wikang Ingles nga ang mapagpalayang wika, sana matagal na tayong nagbubungkal sa sarili nating lupa.
English Speaking Policy. Madalas nating mabasa sa mga Unibersidad at sa mga gusaling gobyernong ahensya. Sinasabing dapat mas gamitin ang wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Kung susumahin, ito ay isang paglilimita sa paggamit ng wikang Filipino sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan at pagpapahina o unting pagpatay sa wikang dapat pagyamanin. Isa itong malaking pagsalungat sa Saligang Batas ng 1987 na dapat ang wikang Filipino ay linangin at payabungin ang paggamit sa iba’t ibang disiplina at larangan.
Maituturing ngang “ikalawang wika” ang Ingles at Filipino bilang pambansang wika na dapat bigkasin sa sa lahat ng uri ng talakayan bilang “unang wika”. Sa kalagayan, ang Filipino ay hindi dapat ihanay upang ipagbawal sa mga opisyal na pulong, kongreso, transaksyon o komunikasyon sa mga paaralan, pamahalaan at maging sa mga pribadong sektor.


Ito daw ang susi sa Globalisasyon. Sabagay, tama ang mga aktibista, hindi tayo dadaan sa proseso ng globalisasyon kung hindi nagpapakain ang ating sariling estado sa imperyalistang bansa. Aminin man natin o hindi, mahirap itago na tayo ay kolonyal ng bansang Estados Unidos (EU). Tama sila na matagal na tayong niloloko ng mga lider na ating hinalal. Dahilan na rin siguro kung bakit nagiging dominante ang kulturang kanluranin.

“Imperialism teach us to think like a white, talk like a white and feel like a white.” Sa mahabang panahon, nakapako tayo sa kulturang hiram. Sa kalinangang hindi sa atin, kung hindi sa kalinangang nakaw. May sapi tayo. May sapi ang bawat Pilipino.

Tinatakluban tayo ng mga kaisipan at imaheng bumabalot sa ating mahabang kasaysayan. Sinasabing matagal na tayong binigyang laya. Matagal na daw tayong pinalaya. Hindi bulag ang bawat dilis para magpakain sa pusit. Malaya nga ba ang mga Pilipino? Gayong hindi naman tayo nakakatikim ng tunay na kasarinlan.

Masasabi natin na hanggang ngayon ay hindi parin natin napagwawagian ang sarili nating kasarinlan sa pulso na hindi natin kayang maitayo ng buo ang ating sariling wika at mas kinakain pa natin ang wikang hinain ng mga mananakop na kanluranin.

Parang damit lamang ang pagpalit natin sa wikang Filipino at pag gamit ng wikang English.