Tuesday, November 6, 2012

Isolated Boracay

Tapos na ang Trabaho
Bonuan, Dagupan City, Pangasinan 2012
Kuha ni Jian Carlo Ramos Gomez



Hindi nila alam kung pagkatapos na nito ay meron pa silang makakain. Hindi nila alam kung makakahuli pa sila ng isda o kung sa mas malala ay kung papayagan pa silang magtayo ng kani-kanilang fish cage sa ilog para pagkuhanan ng kabuhayan at makakain.

"Hindi namin alam kung papaano kami mabubuhay sa lugar na iyon. Hindi namin alam kung sa akin kami kukuha ng makakain. Walang kabuhayan ang relocation site na ibinigay sa amin ng city government" sabi ni Tatay Johny, lider ng mga maralitang mangingisda na nagsusulong ng kanilang karapatan sa lupang kanilang pagmamay-ari.

Hindi ko makakalimutan ng unang beses akong tumapak sa buhanginan ng Bonuan sa Dagupan City. Boracay kung tawagin nila ang kanilang lugar, oo maganda ang pangalan; pero isang malaking kabaligtaran ng realidad. Hindi 'to ang Boracay na gugustuhing puntahan ng mga sabik sa dagat at buhangin. Ito ang Boracay na pinagkaitan ng lipunan. Walang malinis ng tubig na maiinom. Hindi naaabot ng pa-ilaw ni Mayor. Ang daanan, hindi naiiba sa mga iskinita ng Maynila; masikip at malubak.

Si Tatay Johny ay biktima ng demolisyon kasama ang iba pang naninirahan sa kanayunan. Nakakapagtakang sa mayamang bayan ng Dagupan ay magkakaroon ng demolisyon. Ang buong akala ko dati ay sa magulong syudad lamang ng kamaynilaan nililimas ang kabahayan/kabuhayan ng maralita; At oo, nagkakamali ako.

Nagsimula daw ang demolisyon sa isinusulong na Eco-Tourism Project ng City Government ng Dagupan. Ito ay matapos buksan ni Mayor Lim ang kahabaan ng ilog Pantal sa isang programang tinawag nilang 'River Cruise'. Pinalinis at pinaalis ang lahat ng naninirahan sa gilid ng ilog upang magbigay daan sa sinasabing Tourist Destination. Pati ang kanilang mga hanapbuhay ay apektado sa nangyaring demolisyon. 

Makikitang mas inuna pa ang pagsusulong ng Turismo habang nagugutom naman ang mga mamamayan at mangingisdang primaryang naapektuhan ng programang turismo. Masasabi natin ngayon na hindi talaga maka-tao at maka-mamamayan ang isinusulong na interes ni Mayor Lim. 

Sabi nga nila Tatay Johny, bago pa man dumating ang proyketong 'yan sa bayan ng Dagupan, mas nauna ng lumilinang ng yaman ng ilog ang kanilang mga ninuno.

Hindi ko maiwasang maitanong kay tatay kung papaano ang buhay nila kung walang huling isda, mabilis naman ang sagot ni tatay; walang pag-aalinlangan, 'edi wala, walang pagkain kung walang huli'.

Isipin nyo na lamang na tabi mismo ng ilog ang kanilang tirahan, nandyan na ang kalikasan na maaaring pagkukuhanan ng makakain pero wala.

Makikita mo ang ngiti sa labi ng mga bata habang naglalaro sa buhanginan. Ngiting hindi nila alam kung bakit sila ngumingiti. Parang masaya, pero hindi natin alam kung may posibilidad ba o wala.