Showing posts with label Pantikan ng Pilipinas. Show all posts
Showing posts with label Pantikan ng Pilipinas. Show all posts

Thursday, August 15, 2013

SI PADRE AGATON (REPRESENTASYON NG ESPANYA) BILANG PANGUNAHING PAKSA NI RIZAL NA IMPLUWENSYA SA KAUGALIAN AT GAWI NG MGA TAGALOG SA PANAHON NG KOLONYALISASYON


Hindi nabigyan ng pagkakataon si Rizal natapusin ang kanyang ikatlong nobela. Masyadong ispesipiko ang bawat detalye na tahasang tumutuligsa sa kultura, kagawian at pamumuhay ng mga mamamayan sa kaTagalugan. Malay ang bawat isa sa atin na ang kanyang dalawang nobela (El Filibusterismo at Noli Me Tangere) ay gumawa ng pangalan sa industriya ng panitikan at nag-iwan ng tatak sa ating kasaysayan kung ihahambing sa Etikang Tagalog (Bawat sibilisasyon ay may depinisyon ng etika, kaninong etika nga ba? Para sa mga kolonisador etika nila ang tama. Lahat ng hindi puti ay subject for moralization at ethics convertion. Ang etika ay para lamang ba sa mga puti? May etika naman ang mga katutubo, hindi nga lang kinikilala.) na hindi pa gaanong ginagamit at tinatalakay sa mundo ng akademya.
Kumpara sa dalawang nobela ni Rizal, hamak na mas tumutuon ito sa kaugalian at kagawian ng mga Tagalog sa ilalim ng pamamalakad ng Espanya. Pinakita ni Rizal kung papaano hinuhubog ng Relihiyon ang kamalayan ng mga tagalog at kung papaano ito nag-aambag sa kalinangan (medyo nag-aalinlangan pa ako sa pag gamit ng salitang kalinangan, may pagtingin pa ako na ang kalinangan ay sang-ayon sa mga kolonisador. Ngunit ginamit ko na rin sapagkat ito pa lamang ang nakikitang maayos na salitang pwedeng gamitin) ng bawat isa. Nagkakaroon ng moralisa ang pamayanan sa kung ano ang tama sa mali at ang mali sa tama na bitbit ng doktrina ng simbahan, umaayon sa pamantayan ng simbahan at sa sinusunod na kautusan ayon sa nobilidad ng kura bilang biyaya daw ng langit sa kalupaan.
Malay si Rizal sa pananaw-mundo at sensibilidad na gisingin at alisin ang pakiwaring pagkawala-sa-sarili ng mga Tagalog bunga ng masasamang panaginip na bitbit ng kolonyalismo. Alam niyang malaki ang pangangailangan sa usapin ng nasyonalismo na hindi dapat atrasado.
Ang Etikang Tagalog ay isang pagtatangkang kausapin ang malawak na hanay ng mamayan sa wika na kung saan taal ang kanilang dila.  Si Rizal ay nahirapan itong isakatuparan kahit nagsubok siyang gawin, mukhang nagkulang sa pagtatangka. Sa tingin ko ay hindi siya nagtagumpay sa kanyang mithiin na intindihin ng mga Tagalog (noong kanilang panahon) dahil hindi naman ito naisulat sa wikang tagalog, na dapat sana ay naging maalam sila dito dahil ito ay nakalaan para sa kanila. Isa itong kwento na dapat sana ay mas madaling magagap ng pangkaraniwang Pilipino (mga Pilipinong hindi nakaka intindi ng wikang Espanyol) kumpara sa mga ilustrado at naghaharing-uri na nagpapalaganap ng yabang ng kolonisador at ng kaalamang kanluranin noong panahon ng hayagang kolonyalismo.
Kay Rizal narin nanggaling na malaki ang pangangailangan sa matibay na paggamit ng katutubong wika. Inamin naman ni Rizal na nahirapan siya sa pagsulat gamit ang wikang Tagalog kaya mas pinili niyang gamitin ang wikang Espanyol (kung matatandaan, gumamit si Rizal ng wikang Espanyol sa Noli at El Fili dahil ang kaniyang kinakausap ay ang mismong kapangyarihan, ang mismong may hawak ng estado. Kailangan niyang makisabay sa wikang ginagamit ng mga kolonisador upang mas madaling ipahayag ang kaniyang layunin), “malalim na napakaloob at sangkot sa wikang mananakop” (Ocampo, E.T. 2012).
Sa una at ikalawang kabanata pa lamang ay maayos na naisalarawan ang pamumuhay sa partikular na mitikal na bayan ng Pili. Inumpisahan ito sa pagpapakita kung gaano kahalaga at ka-impluwensya ang relihiyon sa kamalayan ng mga Tagalog. Nailarawan ng maayos kung papaano konektado ang Kura sa mga mamayan, “Naiiiskandalo ang buong simbahan, sapagkat tumangging magbigay ng komunyon kaninuman ang kurang si Padre Agaton, sa panahong itong kasagsagan ng kuwaresma, simula ng Mahal na Araw. Hindi mapakali ang mga deboto, namumugto sa pagkayamot ang ilan – datapwat hindi makuhang magalit  - karamihan nagbubulung-bulunganng kung ano-anong hinuha at sapantaha.” (Ocampo, E.T. 2012, pg.35). Masasabing apektado ang lahat matapos hindi magbigay ng komunyon ang kura, sa kabilang banda ang kaugalian ng pagbubulung-bulungan (Makapangyarihan ang bulungan sa teksto, hindi natin alam kung ano ang kanilang eksaktong mga sinasabi. Maaaring bulungan ng pagsang-ayon, pakikisimpatiya etc., mga tinig na hindi mailabas) ay nabigyan ng diin. Makikita ang gawaing nag sisimba ang mga tagalog, humaharap sa altar ng sambahan samantalang mag babatuhan ng huntahan sa harap mismo ng sinasabi nilang Diyos.
Naipakita na hindi marginalisado ang relihiyon, at kahit kailan man ay hindi ito magiging marginalisado. Ito ang dominant power of force (sa panahon ng kolonyalismo ng Espanya) at ang Doktrina ng Katolisismo ang dominant power of religious practice. Mababasa naman sa unang bahagi ng teksto na kahit gaano kainit sa loob ng simbahan at gaano nagsiksikan ang bawat sumasamba ay patuloy pa rin nila itong ginawa dahil sinasabi ng relihiyon na wala itong pinipiling uri, lahat ng gustong mabiyayaan ng poong maykapal at lahat ng gustong mahawakan sa kamay ang Kura ay kailangan dumalo sa Misa. Relihiyon ang naging susi upang pagbuklurin ng kolonyalismo ang bayan ng Pili.
Sa katayuan ni Padre Agaton, nabigyan ng paglilinaw na iisa ang Relihiyon at ang Estado o mas tamang sabihin na mas makapangyarihan ang Relihiyon kaysa sa Estado. Nabanggit na “Higit pa sa kairalan ng Diyos, ng araw, ng agham o maski nang kapalaran – walang mas importante pa sa persona ni Padre Agaton, ang bantog na kura, kinakatakutan ng buong probinsya mula sa kulang palad na magsasaka hanggang sa gobernador na mapagmata.”(Ocampo 2012, pg.49). Sinasabing ang Kura ay biyaya daw ng Diyos mula sa langit upang iligtas ang mitikal na bayan ng Pili sa kahit anong trahedya at kamalasan. Ganito na lamang ang pag-uugali ng mga Pilipino, ganito na lamang ang kanilang pagsamba sa mismong abilidad ng Kura bilang malinis at maayos, matikas sa kanyang kilos, pino at maringal sa hanay ng mga awtoridad, mapanaig at matayog sa harap ng iba, at napapanatili ang kaniyang prestihiyoso na naayon sa kanyang uri, ipinapakita lamang niya ang mataas na dapat na pagtingin sa mga katulad niyang alagad daw ng langit.. Hindi na nila kinikilala ang natural nabatas at siyentipikong  pagtingin, dahil narin siguro na binulag ang mga Tagalog gamit ang relihiyon.
Si Padre Agaton daw ang buhay na manipestasyon nakatangi-tangi daw ang kabutihan ng langit. Ang lahat ng susunod sa kaniyang kautusan ay maaring mailigtas mula sa kumunoy ng impiyerno at mabubuhay daw ng walang hanggan kasama ang Diyos sa langit.
May pagtingin ang mga katagalugan na mababa ang uri ng mga piyesta na hindi napupuntahan ni Padre Agaton, at kung makapunta man kailangan ay engrande ang piging. Masasabing dinadaan nila sa luho ang pagdaraos ng piging basta naroon ang Kura. Sa inisyal na pagtingin ay makikitang kahit maubos o mawalan nang pinansya ang nagpapahanda gagawin nila basta hindi madismaya ang Kura. Lahat ng kilos ni Padre Agaton ay tinuturing nilang sagrado. “maski ang tadyak na natanggap ng sakristang mayor ay naturing na handog ng nobilidad…” (Ocampo, E.T. 2012, pg.53).
       Makikita naman sa karakter ni Kapitana Barang ang isang relihiyosang asawa na patuloy sa pagsunod sa doktrina ng Katolisismo. Ngunit malaking kabalintunaan naman dahil kung sino pa ang siyang mayaman sa aral ng moralisa (ng bibliya) ay siya pang puro pangmamata ang laman ng bunganga. Malaki ang impluwensya ng relihiyon sa kanya, may paniniwala ito na matatanggal daw ang pagka-demonyo sa anak ni Anday oras na ito mabendisyunan (pero hindi nangyari matapos itong humagulgol ng iyak sa loob ng simbahan). “Naniniwala ang butihing senyora na isang akto ng kabanalan ang parangalan ang makasalanang iyon at sagipin ang ina at anak nito mula sa impyerno” (Ocampo, E.T. 2012, pg.75).
       Matibay ang pakiwari na mas makapangyarihan ang simbahan kaysa sa estadao. Si Kapitan Panchong ay sanggang-dikit kay Padre Agaton. Mas abala pa ang kapitan sa kaniyang regalo sa Kura kahit nagkakaroon na nang malaking pangangailangan ng bagong tulay sa kaniyang nasasakupan. Ang mahalaga sa kaniya ay matuloy ang kaniyang reeleksyon. Kailangan niyang dumikit at magpalakas sa Kura para mabiyayaan ng basbas mula sa langit upang muling manalo sa eleksyon.
           Maraming kaugalian at kagawian ang nai-impluwensyahan ni Padre Agaton sa mitikal na bayan ng Pili bilang alagad at tagapagligtas ng Diyos sa kalupaan ng kanilang bayan. Ang mga paniniwalang bitbit ng mga kolonisador ang matibay na argumento kung bakit nasabing  si Padre Agaton ang pangunahing paksa na naka impluwensya sa kaugalian at gawi ng mga Tagalog sa teksto. Si Padre Agaton bilang icon ng langit sa lupa ang idolo ng bawat mamamayan ng Pili para magkaroon ng sinasabing Etika ng mga Tagalog sa standard ng mga kolonisador. Etika ang pangunahing paksa, ang mga nakagawian at pag-uugali ng mga Pilipino ang naging primaryang pansinin sa libro.
          Upang malasap ang orihinal na akda, tagumpay itong naisalin ni Ocampo sa wikang Filipino.  Ito ang siyang makakapagpadama sa kulay, tunog at laman ng bawat usapin sa Etikang Tagalog. Isa rin itong malaking hakbang sa paggamit ng Wikang Pambansa bilang batayan at pangunahing wika na maaring magamit sa mga pananaliksik sa panitikan. Maganda ring tingnan na si Ocampo bilang manunuri ng panitikan at historyador ay nakagawa ng isang kritikal na pagbasa sa ikatlong nobela ni Rizal.
          Sa ilang mambabasa na hindi o wala sa industriya ng panitikan, malaking tulong ang pagkilala sa antas ng tradisyong panitikan na mailulugar ang panunuri sa karanasan ng panitikang kinabibilangan. Kung dadalin natin sa postmodernistang panahon o ibebenta ang ganitong porma ng panitikan sa mga kabataan, mas pipiliin nila ang Twilight at Harry Potter kaysa sa Etikang Tagalog.
Ito ay isang malaking hakbang at hamon sa mga susunod pang mananaliksik kung papaano nila ilalapit ang panitikang lubos na pinag-iwanan ng panahon sa mga mambabasang pinpili ang produkto ng kanluran.
            Maikli pero malaman, bitin ngunit maalam. Tama si Ocampo, nakilahok na si Rizal sa pulitikal na posisyon at pagtunggali sa estruktura ng kapangyarihang umiiral.