Isa kang likha
Isa kang biyaya
Isa kang malaking piso
Isa kang malaking tipak ng keso
Isa kang ilaw
sa pundido kong tahanan
Isa kang pangarap
sa mga katulad kong hibang
Isa kang bantay
sa mga musmos sa lansangan
Isa kang mata sa mga bulag na sumpa
Isa kang tanglaw
sa mga iniligaw
Unti-unti'y kinukumutan ka ng mga ulap
Huwag kang magtago
Huwag kang umilap
Hinintay ko ang ika-dalawampu't anim ng Pebrero
Sa pagitan ng mga bundok
sa parang
sa bukid
sa dagat
sa paglubog ng araw
na nakatitig sa silangan
Dito lang pala kita muling makikita
Sa himlayang tahimik ng iyong ama at ina
Hihiramin kita panandalian
Maaari mo bang lisanin ang kalangitan
At lalong padilimin ang kalupaan?
Gusto kong namnamin ang pinagsamang alat
At tamis ng iyong katawan
Sa pagitan ng uwang sa kabundukan
Sa isang gabi, sandali lamang naman
Mapagbibigyan mo ba ang aking kahilingan?
Ako at Ikaw
Hihintayin kita
Aking Bula
*Unang inilimbag sa KALas (Opisyal na literary folio ng KALasag, Kolehiyo ng Arte at Literatura., Unibersidad ng Pilipinas Diliman)
No comments:
Post a Comment